By Christian Dee
MAYNILA – Inilunsad na ngayong araw, Pebrero 14, ng Land Transportation Office ang online renewal for private motor vehicles kaugnay ang pagsisikap ng ahensya na i-digitize ang operasyon nito.
“Ngayong araw po na ito, nilulunsad po natin ang ating online renewal for private motor vehicles registration,” ani LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo Tugade.
“I am happy to announce that we are taking one step forward towards fully digitalizing our agency… We are once again delivering a commitment to the President and to the people… to make the transactions of the people with LTO easier, simpler, and more convenient,” dagdag pa ng nasabing opisyal.
Sa anunsyo ng LTO, sinabi nitong maaring tumagal lamang ng lima hanggang sampung minuto ang pagpapa-renew ng rehistro ng sasakyan gamit ang online system ng naturang ahensya.
Hindi na kakailanganin ng mga magpapa-renew ng rehistro ng sasakyan na pumila pa sa mga tanggapan nito simula ngayong araw, base sa anunsyo ni Tugade na.
Mas magiging madali aniya ito, basta’t mayroong internet connection at may account ng Land Transportation Management System ang mga magpapa-renew.
“Nilinaw ng LTO na kabilang sa mga maaaring makapagtransaksyon ng plain renewal ng rehistro ay ang mga mayruon nang rekord ng motor vehicle registration renewal gamit ang LTMS,” saad ng LTO sa kanilang ipinaskil na anunsyo sa social media.
Paliwanag ng ahensya, kung wala pang detalye ng rehistro ng sasakyan sa kanilang online portal, maaring pumunta sa kahit saang LTO district office para matulungan ng tauhan ng ahensya na makapagtransaksyon sa LTMS.
Matapos ito, sa susunod na taon na magpapa-renew, anang ahensya, puwede nang gawing online ang pagpaparehistro dahil lalabas na ang mga detalye ng sasakyan.
“Ipinaalala ni Tugade na bago ang transaksyon sa online ng pagpaparehistro ng sasakyan, kailangan munang kumuha ng Certificate of Coverage (COC) o insurance na pinili ng may-ari ng sasakyan; at naisalang na sa inspeksyon ng Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC),” ayon sa LTO.