By Christian Dee
MAYNILA – Inilabas na ng Department of Budget and Management ang pondo ng Targeted Cash Transfer program ng Department of Social Welfare and Development na nagkakahalagang P5.2 bilyon.
Sabi ng DBM, P9.8 milyong benepisyaryo ang nakita nitong makikinabang sa kabuuang halaga ng pondo sa ika-3 tranche ng nasabing programa.
Matatandaang noong Nobyembre 17, inaprubahan ang Special Allotment Release Order at sabi ng ahensya ay nakakarga ito sa ilalim ng Unprogrammed Appropriation.
Ayon sa kalihim ng DBM, sinusuportahan ng ahensya nang buong-buo ang mga proyekto at programang makapagbabahagi ng tulong sa mga Pilipino.
Halagang P500 kada buwan sa anim na buwan ang ibinibigay na unconditional cash transfers ng naturang programa para sa mga lubusang nangangailangan. Ayon sa DBM, nais ng nitong mabawasan ang epekto ng taas-presyo ng mga bilihin, kasama ang gasolina.
Batid naman ng National Economic and Development Authority na napakahalaga nitong napapanahong programa para sa mga higit na apektado ng inflation.