Share:

By Frances Pio

––

Naharang ang nasa P9.6 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa karagatan ng Manalipa sa Zamboanga City, iniulat ng Bureau of Customs (BOC) nitong Biyernes.

Sinabi ng BOC na may kabuuang 275 master cases at 32 reams ng Fort White Cigarettes na may tinatayang kabuuang halaga na mahigit P9.6 milyon ang narekober sa loob ng isang motorized wooden watercraft na may markang “FB JAMAIKA” sa joint operation noong Hunyo 21.

Nasa loob din ng watercraft ang 10 tripulante na nagmula sa Jolo sa Sulu at patungo sa Cotabato City, sabi ng BOC.

Ang joint operation ay isinagawa ng Enforcement and Security Service at Customs Intelligence and Investigation Service units ng bureau.

Sinabi ng BOC na ang mga nasamsam na bangka at ang mga master case ng sigarilyo ay nasa ilalim na ng kanilang kustodiya para sa tamang disposisyon dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act of 2016 at sa Tobacco Exportation and Importation Rules and Regulations.

Nahuli ng Port of Zamboanga ang mahigit P153 milyong halaga ng smuggled goods mula Enero hanggang Hunyo 2022 at kinondena ang P110 milyong halaga ng sigarilyo noong Abril 2022, ayon kay District Collector Segundo Sigmundfreud Z. Barte Jr.

Sinabi ni Barte na ang BOC at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas ay patuloy na magpapaigting ng border control laban sa smuggling at iba pang pandaraya sa customs.

Leave a Reply