Share:

By Frances Pio

––

Nagkaroon ng kaguluhan nang magsimula ang modernized transport system sa Lungsod ng Iloilo sa unang araw ng linggo, Lunes, Hunyo 13.

Libu-libong pasahero mula sa mga bayan sa Iloilo gayundin ang mga residente ng Iloilo City ang naiwang nag-aagawan sa pagsakay sa pampublikong sasakyan sa panahon ng rush hours sa umaga at sa hapon noong Lunes.

Ang Local Public Transport Route Plan (LPTRP) na ipinatupad ng Pamahalaang Lungsod ng Iloilo ay nakatanggap ng oposisyon mula sa mga ordinaryong Ilonggo dahil ang bilang ng mga mini-bus na inilunsad upang i-phase out ang mga lumang jeepeney ay hindi kayang tumugon sa dami ng mga pasaherong bumibiyahe papasok at palabas ng lungsod araw-araw.

77 lamang sa 1,767 mini-bus ang nabigyan ng approval ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagtulak sa Lokal na Pamahalaan ng Iloilo City na ipatupad ito habang ipinagbabawal ang mga provincial-based jeepney na pumasok sa lungsod.

Humingi ng paumanhin si Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa publiko sa isang press conference noong Lunes para sa abalang naidulot ng bagong sistema ng transportasyon.

Gayunpaman, hindi aatras si Treñas sa pagpapatupad ng LPTRP. Aniya, magkakaroon ng mga pagsasaayos at may ipapatupad na pagbabago.

Hinimok ng maraming Ilonggo ang pamahalaang lungsod at ang LTFRB para sa unti-unting pagpapatupad dahil hindi pa rin sapat ang bilang ng mga mini-bus.

Marami sa kanila ang nananawagan na ibalik ang ruta ng Leganes o Oton jeep na matagal nang nagsisilbi sa mga residente sa probinsiya at lungsod.

Leave a Reply