Share:

Para sa Malacañang, tama ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na palitan ang pinuno ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) upang ibalik ang pagtitiwala ng publiko sa state insurer sa gitna ng mga paratang ng katiwalian.

“Tingin ko naman sapat ang ginawa ni Presidente na pinalitan niya po at nagtalaga siya ng bagong pangulo at CEO ng PhilHealth at nagpapatuloy ang imbestigasyon,” sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na si Harry Roque noong Miyerkules sa isang panayam sa PTV nang tanungin kung paano ibalik ang pagtitiwala ng publiko sa PhilHealth sa kabila ng mga anumalya.

Ang dating pinuno ng PhilHealth na si Ricardo Morales ay nagbitiw sa tungkulin matapos hilingin mismo sakaniya ni Pangulong Duterte na magbitiw na siya sa pwesto dahil sa kanyang pababalik-balik na kondisyon sa pangkalusugan. Si Morales ay nakikipaglaban sa lymphoma at sumasailalim sa gamutan.

Si Morales ay pinalitan ng dating National Bureau of Investigation director na si Dante Gierran.

Giit ni Roque na maraming mga opisyal ng PhilHealth ang sinampahan ng preventive suspensyon sa loob ng anim na buwan.

“Kaya tingin ko po, seryoso ang Presidente at tinatanggap ng taumbayan kung gaano ka-seryoso ang Presidente para linisin ang hanay dyan sa PhilHealth nang sa ganon, magkaroon ng katuparan ang ating sinulong na universal health care [law], libreng gamot at libreng pagamot sa lahat ng Pilipino,” ani ni Roque.

Samantala, inatasan na ng Pangulo si Gierran na magpatupad ng isang pagbabago sa loob ng state insurance firm.

Leave a Reply