Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Sa isang panayam, sinabi ng tagapagsalita ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na si Jail Supt. Xavier Solda na prayoridad sa listahan ang pamilya ng inmate sa pagdalaw.

Kaugnay ito ng pagpapahintulot ng BJMP sa face-to-face na pagbisita sa mga kaanak na nasa bilangguan o persons deprived of liberty (PDL).

Aniya, mayroong listahan ng mga “immediate families” ng mga PDL.

Meron tayong listahan ng mga pamilya o immediate families ng mga (persons deprived of liberty) natin, kinukuha na ito pagpasok pa lang nila doon sa mga facilities ng BJMP,” ani Solda.

So, immediate family, sila muna po yung priority natin,” dagdag pa niya.

Kakailanganain ng mga bibisita na makipag-ugnayan para sa schedule ng kanilang pagbisita dahil hindi nito pinapayagan ang 100 porsyento ng kabuuang bilang ng populasyon ng bilangguan na makabisita dulot ng pagpapatupad ng health at safety protocols ng BJMP, ayon kay Solda.

Sabi ng tagapagsalita ng naturang kawanihan, kinakailangan ring nakapagpa-booster na ang mga bibisita sa bilangguan upang payagang makapasok.

Giit ni Solda, mayroon pa ring mga Pilipino na hindi nagpapabakuna dahilan ang pansariling paniniwala sa kalusugan at relihiyon.

Wala namang problema basta magdala lamang sila ng negative results ng kanilang RT-PCR 72 hours before ng bisita and 24 hours naman para sa antigen results,” paliwanag ng tagapagsalita ng BJMP.

Tinuturing namang mahalaga ang safety protocols na nabanggit dahil pinapayagan na rin ang pagyakap ang mga kaanak ng mga preso ngayong Pasko.

Ibinahagi rin ni Solda na nagsagawa na rin ng run-through ng pagbabalik ng pagbisita.

Aniya, noong nakaraang buwan ay mayroon pang harang ito ngunit nang pahintulutan muli ang pagbisita, maari nang maghawak ng kamay ang bisita at ang preso.

Maari nang magkahawak ng kamay, maari nang pong magyakap yung mga pamilya,” anang opisyal.

Paliwanag ng opisyal, kailangan nang ma-address ang mental health ng mga inmates kaya isinulong ito ng BJMP sa dahilang dalawang taon nang walang bisita ang mga ito.

Ang itatagal naman ng oras ng pagbisita ay nakabase sa bilang ng mga dadalaw araw-araw. Aniya, maaring umabot sa isa o dalawang oras ang pagbisita, depende sa dami ng mga dadalaw.

Ang oras ng pagbisita naman ay mula ala-1 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon mula Martes hanggang Huwebes, habang tuwing Sabado at Linggo naman ay alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, at ala-1 ng hapon hanggang alas-5 ng hapon.

Ayon kay Solda, ang Lunes at Biyernes naman ay nakalaan para sa paglilinis ng mga pasilidad ng BJMP kaya wala sa schedule ito ng pagbisita.

Leave a Reply