Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Bumisita noong Lunes, Enero 30, si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa burol ng isang overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara sa lungsod ng Las Piñas.

Nakiramay ang pangulo sa pamilyang naulila ng OFW na pinaslang sa Kuwait noong nakaraang linggo at nangako ring tutulungan niya ang naturang pamilya para sa mga maaring kakailanganin nito.

Photo source: Presidential Communications Office

“I just wanted to offer my sympathies to the family and to assure them that all the assistance that they might need… for the family and for whatever else, ang pangako ko sa kanila. Kaya naman nagsakripisyo ang anak nila na magtrabaho sa abroad ay dahil may mga pangarap siya para sa kanyang pamilya,” ani Marcos sa isang panayam matapos dumalo sa burol ni Ranara.

“Sinabi ko, nung nawala na yung anak niyo, kami na lang ang tutupad ng pangarap… Lahat ng assistance na pwedeng naming ibigay, ibibigay namin,” dagdag pa ng pangulo.

Photo source: Presidential Communications Office

Nabanggit din ni Marcos na nakatakdang magkaroon ng bilateral meeting ang pamahalaan ng Pilipinas at Kuwait para pag-aralan ang bilateral labor agreement ng dalawang bansa.

“We are also scheduling bilateral meetings with Kuwait to look at the agreement…We have to see if there are weaknesses in the agreement that allow this to happen and to make sure that those weaknesses are remedied so that the agreement is stronger…we’ll be more supportive of our workers and furthermore that we hope this will not happen again to anyone of our countrymen,” aniya.

Kasama ring nagpunta ni Marcos sina Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople, Senator Mark Villar, at Las Piñas City Representative Camille Villar, ayon sa Presidential Communications Office.

Ayon sa PCO, nasa ilalim na ng kustodiya ng pulisya ang suspek sa pagpatay kay Ranara.

Leave a Reply