By Christian Dee
MAYNILA – Nagtungo na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Japan nitong Miyerkoles, Pebrero 8, para sa isang bilateral visit sa Tokyo.
Kasama ni Marcos ang kanyang asawa na si Unang Ginang Louise Araneta-Marcos at ang delegasyon ng bansa para sa limang araw na official visit sa Japan, kaugnay ang imbitasyon ni Prime Minister Kishida Fumiyo, ayon sa Malacañang.
Ang kanyang pagbisita sa naturang lugar ay mahalaga aniya.
Sinabi rin ng pangulo na bahagi ito ng malaking foreign policy agenda para patatagin ang mas malapit na ugnayang pampulitika at iba pang mga usapin.
“It is part of a larger foreign policy agenda to forge closer political ties, stronger defense and security cooperation, as well as lasting economic partnerships with major counties in the region amid a challenging global environment,” ani Marcos.
7 pangunahing kasunduan sa humanitarian assistance, disaster relief, infrastructure, agriculture, at digital transformation ang inaasahang lagdaan ng Maynila at Tokyo sa pagbisita ni Marcos sa Japan.
Inaasahan din na makakapulong ng pangulo ang Punong Ministro ng Japan na si Fumio Kishida at si Emperor Naruhito.
Ayon kay Marcos, inaasahan niyang maiuuwi ang mas marami pang kasunduan para makatulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.
“I look forward to bringing home more of these agreements that will be of benefit to the transformation of our economy and to be able to mitigate some of the challenges that we are faxing in a new global economy,” anang pangulo.
Kasama sa mga opisyal na delegado sina former President Gloria Macapagal Arroyo, Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Martin Romualdez, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Finance Secretary Benjamin Diokno, Trade Secretary Alfredo Pascual, Energy Secretary Rafael Lotilla, Tourism Secretary Cristina Frasco, Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr., Presidential Communications Secretary Cheloy Garafil, iba pang mga opisyal ng gabinete at mga undersecretary.
Ayon kay Philippine Ambassador to Japan na si Mylene Garcia-Albano, inaasahang magbubunga ng P150 bilyon investment pledges ang naturang paglalakbay ni Marcos.