Share:

By Frances Pio

––

Muling umapaw ang emergency room sa Philippine General Hospital (PGH) ng mga pasyente, na umabot ang kapasidad sa 200% , ngunit hindi ito dahil sa COVID-19, sinabi ng isang opisyal nitong Martes.

Sinabi ng tagapagsalita ng PGH na si Jonas del Rosario na ang emergency room ng ospital, na mayroon lamang 70-person bed capacity, ay kasalukuyang may hawak na 150 pasyente.

“Dahil doon, masikip ang emergency room at maraming pasyente na hindi matanggap sa wards,” ika niya.

Sinabi ni Del Rosario na karamihan sa mga pasyente ay nagkakaroon ng mga karamdaman na hindi nauugnay sa COVID-19, kabilang ang pneumonia, diabetes, sakit sa puso, sakit sa baga at sakit sa bato.

Mayroon ding mga pasyente na dinala mula sa ibang mga ospital.

“Halos mag-i-isang buwan na rin na dumadagsa ang pasyente sa aming ospital, lalo na itong huling dalawang linggo, talagang umaapaw ‘yung aming emergency room,” ika niya.

Para mapangasiwaan ito, sinabi ni Del Rosario na binabantayan nila ang mga ward para mapadali ang mga discharges para magkaroon ng espasyo.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa ibang mga ospital para kunin ang iba pa nilang mga pasyente. Dagdag pa niya, nagdagdag din ang PGH ng hindi bababa sa 10 hanggang 15 na kama — na hindi lahat ay hospital bed kundi stretcher bed lamang — para ma-accommodate ang mas maraming pasyente.

Sinuspinde din ng PGH ang kanilang elective procedures sa ngayon para tumutok ang mga tauhan nito sa mga emergency cases.

Leave a Reply