By Frances Pio
Nanalo ng dalawang bronze medal at apat na honorable mention ang mga estudyanteng Pilipino sa 63rd International Mathematical Olympiad (IMO) na ginanap nang personal sa Oslo, Norway.
Batay sa mga opisyal na resulta, ipinanalo nina Mohammad Nur Casib ng Philippine Science High School-Central Mindanao Campus at Raphael Dylan Dalida ng Philippine Science High School-Main ang Pilipinas ng bronze medals.
Ito ang unang paglahok ni Casib sa IMO at pangatlo para kay Dalida na nanalo ng silver medal noong nakaraang taon at bronze medal noong 2020.
Nanalo ng honorable mentions sa IMO sina Sarji Elijah Bona ng De La Salle University Senior High School na nanalo ng bronze medal noong nakaraang taon, Rickson Caleb Tan ng MGC New Life Christian Academy sa Taguig, Filbert Ephraim Wu ng Victory Christian International School sa Pasig, at Enrico Rolando Martinez ng Philippine Science High School-Main Campus.
May kabuuang 589 na kalahok, kabilang ang 68 babae mula sa 104 na bansa, ang lumahok sa 63rd IMO.
Sa resulta, ika-55 ang Pilipinas sa 104 na bansa, bumaba mula sa ika-23 puwesto noong nakaraang taon nang manalo ang bansa ng apat na silver medals at dalawang honorable mention.
Nanguna ang China sa IMO ngayong taon, na nakakuha ng anim na gintong medalya, sinundan ng South Korea na may tatlong ginto at tatlong pilak na medalya; US na may apat na ginto, isang pilak at isang tansong medalya; Vietnam na may dalawang ginto, dalawang pilak at dalawang tansong medalya; Romania na may dalawang ginto at apat na pilak na medalya; at Thailand na may tatlong ginto, dalawang pilak at isang tansong medalya.