By Frances Pio
––
Hindi na sasabak ang Philippine Women’s National Volleyball Team sa semifinal round ng 2022 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference na magpapatuloy ngayong Lunes sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay.
Sa kabila ng rekomendasyon ni National Team Head Coach Jorge Edson Souza de Brito at pag-apruba ni PNVF President Ramon “Tats” Suzara para sa koponan na gamitin ang Invitational Conference bilang parte ng kanilang paghahanda para sa 2022 Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup for Women, iginiit ni National University Team Manager Mariano See Diet na hindi niya pinayagan ang “kanyang mga manlalaro” na ipagpatuloy ang paglahok sa liga.
Nagpahayag ng pagkabahala si See Diet na ang mga manlalaro ay magtamo ng injury dahil sa mataas na level of competition sa PVL, ayon sa Sport Vision.
Kasama sa roster ng national team ang Lady Bulldogs na sina Michaela Belen, Joyme Cagande, Ivy Lacsina, Shaira Jardio, Evangeline Alinsug, Cess Robles, Sheena Toring, Jen Nierva, Nicole Mata, Alyssa Solomon, Camilla Lamina, at Kamille Cal.
Nasa grupo rin sina Trisha Genesis ng Akari at Jelai Gajero mula sa California Precision Sports.
Isang buwan nang nagsasanay ang Philippine Women’s National Volleyball Team bilang paghahanda para sa continental meet, na nakatakdang ganapin mula Agosto 21 hanggang 29 kung saan sasagupaan ng national team ang China, Iran, South Korea, at Vietnam sa continental meet sa Philsports Arena sa Pasig.
Haharapin sana ng national team ang league-leader na Creamline sa semis, Army sa Martes, at Cignal sa Miyerkules sa kanilang stint na inaasahang magpapatalas ng kanilang kakayahan at magpapalakas sa kanila para sa AVC joust.
Limang koponan na lang ang natitirang sasabak sa ikalawang round ng mid-season conference.