By Frances Pio
––
Hinatulan si Surigao del Sur Rep. Prospero Pichay Jr. ng tatlong bilang ng graft at sinentensiyahan ng hindi bababa sa 18 taong pagkakakulong dahil sa maling paggamit ng P780 milyon na pondo ng Local Water Utilities Administration (LWUA) noong 2009, noong siya pa ang chairman, kaugnay ng pagbili ng isang thrift bank.
Si Wilfredo Feleo Jr., ang deputy administrator noon ni Pichay sa LWUA, ay napatunayang guilty din sa tatlong bilang ng graft sa parehong kaso: ang irregular na pagkuha ng 60-percent stake sa Express Savings Bank Inc. (Esbi) sa halagang P80 milyon.
Ang Office of the Ombudsman ay orihinal na humingi ng 8 counts sa kasong isinampa nito noong 2016. Ang 66 na pahinang desisyon na ipinahayag noong Hunyo 7 ay isinulat ni Associate Justice Lorifel Lacap Pahimna ng Sandiganbayan Fourth Division, at sinang-ayunan ni Associate Justices Alex Quiroz (ang division chair) at Edgardo Caldona.
Ayon sa Sandiganbayan, nagdeposito ang LWUA sa ilalim ni Pichay ng P300 milyon sa kanilang Esbi savings account at gumawa ng paunang bayad na P400 milyon para mag-subscribe sa pagtaas ng awtorisadong capital stock ng bangko “despite the absence of necessary approvals.”