By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) nitong Huwebes, Disyembre 22, na mayroong extra bus sakaling mapuno ang advanced booking ng mga biyahe.
Kaugnay ito ng inaasahang pagdagsa ng mga biyaherong umuuwi sa kanilang mga probinsya para sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
“’Yong mga tanghali po, maghihintay na lang po sa mga pasahero na hindi nakaabot ng advanced booking,” anang nagbebenta ng ticket PITX.
Ani Nolie Canon, ticket seller sa PITX, may pagkakataon pang makasakay ang mga pasaherong hindi nakapag-book ng biyahe dahilan ang inilalaan nitong extrang bus sa araw-araw.
Abiso naman ng ilang mga kompanya, agahan na lamang ang pagpunta sa terminal.
Inaasahan na rin ng pamunuan ng terminal na dadagsa ang mga taong bumabiyahe.
Noong Miyerkoles, Disyembre 21, naitala ang higit 130,000 na bilang ng mga pasahero sa terminal at inaasahan rin bukas na aabot ito sa 170,000.