By Christian Dee
MAYNILA – Nitong Martes, Disyembre 13, sinabi ni Melvin Miranda, presidente ng Philippine Nurses Association (PNA) na posibleng maapektuhan ang mga ospital sa bansa ng pagpili ng mga Pilipinong nars na magtrabaho sa ibang bansa.
Ani Miranda, sakaling piliin ng mga Pinoy nars na magtrabaho sa ibang bansa, mas apektado ang mga pribadong ospital na nabanggit aniya ng Private Hospitals Association of the Philippines.
Kaugnay ito ng pagpapadali sa resident status ng mga dayuhang nars, midwife at mga doktor sa New Zealand.
Ayon sa pangulo ng nasabing grupo, ang tinutugon sa bansa ay ang pagsusuri ng mga datos para sa pagbabalanse ng bilang ng mga nars, dahilan ang kakulangan nito sa bansa kasabay ang pagpapatupad ng Universal Health Care.
“Tayo po’y nakikipagtulungan sa Private Sector Advisory Council under the Office of the President po,” aniya.
Hindi naman itinanggi ni Miranda na makatutulong sa karera ng mga nars ang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Nitong nakaraang Nobyembre, inilabas na rin ang listahan ng mga pumasa sa Nurse Licensure Examination at naniniwala si Miranda na dagdag ito sa nursing workforce.