By Frances Pio
––
Naghain si Senador Grace Poe ng panukalang batas na naglalayong payagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na suspindihin ang pagtaas ng kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sinabi ni Poe na ang pagsususpinde sa pagtaas ng kontribusyon ay makakatulong sa mga Pilipino mula sa karagdagang pasanin sa panahon ng pandemya at krisis sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
“The hike comes at a time when our people continue to grapple with the impact of the pandemic and the soaring prices of basic needs,” sinabi ni Sen. Poe sa isang pahayag.
“Right now, we must heed their distress call for food to feed their families and jobs to help them get by, with the least burden and utmost support from the government,” dagdag pa niya.
Ang panukalang batas ni Poe ay naglalayong bigyan ang Pangulo ng kapangyarihan na suspindihin ang pagtaas ng premium contribution sa rekomendasyon ng PhilHealth board sa panahon ng state of national emergency o public health emergency o state of national calamity.
Ang panukala, na naglalayong amyendahan ang batas na Universal Health Care (UHC), ay nagtatakda na ang ipinag-uutos na pagtaas ng kontribusyon ay maaaring ipatupad lamang kung ang mga kundisyon na nabanggit sa itaas ay inalis.
“By giving the President the power and authority to suspend such increases in times of need, we are also providing our countrymen a critical lifeline,” ika ni Poe.
Umaasa aniya siyang mabibigyang-pansin ang kanyang panukalang batas para matigil na ang pagtaas ng kontribusyon, na nagsimula noong Hunyo ng taong ito.
Ang premium rate na kinokolekta ay nasa 4 na porsyento mula sa dating 3 porsyento.
Dahil retroactive ang pagtaas mula Enero, nangangahulugan ito na bukod sa tumaas na kontribusyon, ang mga miyembro ng PhilHealth ay kailangan ding magbayad ng karagdagang premium na 1 porsiyento mula Enero hanggang Mayo.
Sa ilalim ng batas ng UHC, ang premium rate ay dapat tumaas ng 0.5 porsiyento taun-taon, simula sa 3 porsiyento sa 2020 hanggang umabot ito sa 5 porsiyento.
Noong Enero 2021, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PhilHealth na ipagpaliban ang nakatakdang pagtaas sa gitna ng krisis sa kalusugan.
Sinabi ni Poe na bagama’t kanais-nais ang mga layunin ng batas ng UHC at ng National Health Insurance Program, ang pagtaas ay hindi napapanahon.
“The country is still recovering from the socio-economic impact of the pandemic, and our people are trying to adjust to the new normal. Some have just gotten back to work or re-opened their businesses while still struggling to make ends meet and pay off debts,” ika ni Poe.
“Any untimely increase can dim the hope and dent the ability of our countrymen to survive at this challenging time. We must look after them with concern and compassion,” dagdag pa niya.