Share:

By Frances Pio

––

Hinatulan ng Regional Trial Court ang isang drug pusher ng habambuhay na pagkakakulong at karagdagang 14 na taong pagkakakulong matapos itong mapatunayang guilty sa dalawang kasong isinampa laban sa kanya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera noong 2021.

Sinabi ni PDEA-Cordillera Regional Director Gil Cesario Castro noong Lunes, Hulyo 11, na hinatulan ni Judge Lilybeth Sindayen-Libiran, ng Branch 61, Regional Trial Court, Baguio City si Bertito Ilumin Ramirez ng habambuhay na pagkakakulong at iniutos na magbayad ng multang P500,000 para sa paglabag sa Section 5 (selling) sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Si Ramirez ay sinentensiyahan din ng 14 na taon na pagkakulong at pinagmumulta ng karagdagang P300,000 dahil sa paglabag sa Section 11 ng parehong batas para sa possession of illegal drugs.

Ayon kay Castro, naaresto si Ramirez noong Abril 28, 2021 sa isang entrapment operation sa Barangay SLU-SVP. Siya ay itinuring na isang public enemy dahil sa isang serye ng mga kriminalidad na kinasasangkutan nito sa Baguio at Benguet.

Nagpasalamat si Castro kay Prosecutor Oliver Prudencio ng Baguio City Prosecutor’s Office sa matagumpay na pag-uusig kay Ramirez.

Muling binanggit ni Castro ang kanyang pangako na patibayin ang mga legal na opensiba ng PDEA, paninindigan ang tuntunin ng batas sa mga operasyon laban sa droga, at lumikha ng pakikipag-ugnayan sa mga legal institution para sa isang ligtas na rehiyon.

Leave a Reply