Maihahalintulad sa mga bus na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA ang mga political party sa bansa. Pag rush hour, siguradong punuan at pahirapang makahanap ng mauupuan. Ngunit pag patay ang oras, maaari ka pang makatulog nang mahimbing sa mga bakanteng upuan nito.
Ang Aksyon Demokratiko ay isang progresibong partido pampulitikal na itinayo ni dating senador Raul Roco noong taong 1997 na kanyang inirepresenta bilang standard bearer para sa 1998 at 2004 presidential elections.
Dahil sa dalawang magkasunod na pagkatalo ni Roco sa eleksyon, hindi naiwasang maihambing ang partido sa isang “pedicab” na kakasya lang ang dalawa o tatlong tao.
Ngunit makalipas ang 18 na taon, ipinagmamalaki ng Aksyon Demokratiko ang mahigit 4,000 na miyembro nito na pinangungunahan ng isa sa mga pinakamaugong na pangalan ngayon sa bansa, sa katauhan ni Manila City Mayor “Isko” Moreno Domagoso.
Ang Chairman ng partido na si Ernest Ramel ang gumamit ng “pedicab” bilang metapora sa naging sitwasyon ng Aksyon Demokratiko noon.
Marahil isang “pedicab” lang ang partidong Aksyon Demokratiko kumpara sa mga primyadong partido sa bansa, ngunit wala umanong dapat ikabahala ang mga miyembro nito ayon sa presidente ng partido at kanilang standard bearer na si Isko Moreno Domagoso.
“Sabi ng aming chairman, kami po ay sidecar candidate. Wag po kayong mag-alala, specialty ko po magmaneho ng sidecars. Hindi ko po kayo ilulubak,” pabirong sinabi ni Moreno na noo’y nagtrabaho bilang isang tsuper ng sidecar sa Tondo, Manila.
“Puro giant killer dito… Tingnan ninyo sa Manila at sa Pasig. Naniniwala ako na walang grabang nakakapuwing puro buhangin lang,” pagtukoy ni Moreno sa pagtalo niya kay dating presidente Joseph “Erap” Estrada at dating Manila Mayor Alfredo Lim.
Isa rin sa tinutukoy ni Moreno ang pagbuwag ng kanilang executive vice president na si Mayor Vico Sotto sa dinistiya ng mga Eusebio sa lungsod ng Pasig.
Noong 2016, mayroon lamang 400 na miyembro ang Aksyon Demokratiko sa bansa at nabawasan pa bago ang 2019 elections, ayon kay Ramel.
“I think at the start, there were people who were joining, the younger ones, because of Mayor Vico, but when Mayor Isko came in, ang daming nagpapahayag na gusto namin sumali then eventually when we elected him president and eventually when he declared, there were more,” ani Ramel.
Sa patuloy na pagtaas ng mga numero ni Mayor Isko sa mga survey na isinasagawa ng iba’t-ibang polling firms sa bansa, mas dumami rin ang mga kandidato at politiko na gustong maging miyembro ng kanilang partido.
Ang dating “pedicab” ay maihahalintulad na sa “MRT” na kinakailangan pa ng karagdang bagon ng tren matapos makapaglabas ang Aksyon Demokratiko ng mahigit 4,000 na Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) na nangangahulugan ng pagtaas ng bilang ng mga miyembro nito.
Sa ngayon, mayroong 50 local government officials mula sa iba’t ibang parte ng Luzon ang nanumpa sa harap ni Mayor Isko upang umanib sa kanilang partido. Karamihan sa mga bagong miyembro ng partido ay mga incumbent officials mula sa Luzon na kakaharapin ang mga kandidato ng administrasyon sa Halalan 2022.
“The days after Isko declared [his intention to run for president], talagang bumuhos. We think there will be more [new memberships] even after we issue the CONAs,” ani Ramel.
Kabilang sa mga pinakabagong miyembro ng Aksyon Demokratiko sina Lakas-CMD official Dr. Willie Ong, former Otso Diretso candidate Samira Gutoc, former Quezon City Liberal Party chairman Jopet Sison at former Liberal Party member Caloocan Rep. Edgar Erice, na naging campaign spokesman ni Mar Roxas noong 2016 presidential elections.
Si Doc Willie Ong ang tatayong running mate ni presidential aspirant Isko Moreno. Sina Gutoc, Sison, at Carl Balita naman ang kabilang sa senatorial slate ng partidong Aksyon.
Mahigit kumulang 23 na opisyal mula sa iba’t ibang probinsya sa Luzon ang umanib sa Aksyon Demokratiko matapos kumpirmahin ni Mayor Isko Moreno ang kanyang kandidatura bilang pangulo ng bansa sa darating na 2022 national elections.
(By: Aj Lanzaderas Avila)