Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Kahit gustong i-extend ng Department of Transportation (DOTr) ang libreng sakay sa EDSA bus carousel, ihihinto pa rin ito simula Enero 1, 2023.

Kaugnay ito ng pag-alis ng Department of Budget and Management sa iminungkahing P12 bilyong budget para sa libreng sakay mula sa National Expenditure Program isinumite sa Kongreso para sa susunod na taon.

Para mapatakbo ang 600 hanggang 700 na mga bus, nagbabayad ang pamahalaan ng nasa P10 milyon hanggang P12 milyon sa mga bus concessionaires, para rin sa halos 400,000 pasahero.

Dahil hindi na ito libre, kakailanganin ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na maglabas ng fare matrix bilang gabay sa pasahe sa EDSA bus carousel.

Matatandaan na ang presyo ng pamasahe para sa unang limang kilometro ay P13, at may dagdag na P2.20 kada susunod na kilometro.

Ayon naman sa DOTr, nakakatipid ng oras ang mga pasahero mula Pasay hanggang Caloocan, na nasa dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe, at nagiging isa’t kalahating oras na lamang.

Sinabi naman ng kalihim ng naturang ahensya, Jaime Bautista, na hiling sa taong 2023 na ma-privatize ang operasyon ng EDSA bus carousel at mayroon na ring mga nagpapakitang interesado dito ngunit wala pang nagsusumite ng kanilang proposal. (Photo: LTFRB/Facebook)

Leave a Reply