Share:

By Christian Dee

MAYNILA – Nagtapos na ang libreng sakay sa EDSA Bus Carousel simula nang pumasok ang taong 2023. Kakailanganin na muli ng mga pasahero nito na magbayad ng pamasahe.

Kaugnay ito ng pagtatapos ng Service Contracting Program Phase 3 ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Disyembre 31, 2022.

“Mag-o-operate ang EDSA Busway sa ilalim ng Fare Box Scheme gamit ang Fare Matrix/Guide na aprubado ng LTFRB simula 5:00am ng ika-1 ng Enero 2023. Nasa kabuuang 550 Public Utility Bus (PUB) mula sa dalawang consortia ang tatakbo at maaring mag-operatte sa EDSA Busway,” ayon sa anunsyo ng LTFRB base sa inilabas na Board Resolution No. 189 s. 2022.

Batay naman sa fare matrix na inilabas ng ahensya epektibo simula kahapon, Enero 1 ng alas-5 ng umaga, ang minimum na pasahe sa bus ay P15 samantala P12 naman para sa mga estudyante, senior citizens at persons with disability.

Aabot naman ang kabuuang pamasahe mula PITX hanggang EDSA Monumento sa halos P76 at babawasan naman ito ng 20 porsyento para sa mga estudyante, senior citizens at persons with disability.

“Nakasaad din sa Board Resolution na lahat ng PUB units na bibiyahe sa EDSA Busway ay kailangan mag-apply ng Fare Matrix/Guide upang makasingil ng pamasahe sa mga pasahero,” dagdag pa ng ahensya.

Paalala naman ng LTFRB sa mga Public Utility Bus na sumunod sa mga polisiya upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero.

Leave a Reply