By Frances Pio
––
Inamin ng baguhang mambabatas na si Senador Robinhood Padilla nitong Huwebes na nahihirapan siyang sumunod sa mga debate sa plenaryo dahil karaniwang nakikipagdebate ang kanyang mga kasamahan sa English.
Gayunpaman, nagbabasa siya ng journal ng Senado upang maiintindihan ang mga talakayan sa floor kinabukasan. Binibigyan din daw siya ng briefing ng kanyang mga tauhan.
“Nahihirapan lang ako pag nag-e-Englishan na, medyo ‘pwede dahan-dahan lang?’ Gano’n. Kaya mahalaga ‘yung journal eh, kaya binabasa ko ‘yung journal kasi nandun lahat eh, mahalaga ‘yun,” sinabi ni Sen. Padilla.
“Nakatunganga ako. Tango-tango. Bukas mababasa ko sa journal ito,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, nilinaw ni Padilla na naiintindihan pa rin niya ang ilan sa mga pinag-uusapan. Dumarating ang hamon kapag nagdedebate ang mga senador at gumamit ng mga salitang English na kailangan ng paggamit ng diksyunaryo upang maintindihan.
“Hindi naman lahat hindi ko naiintindihan. Kapag gumamit lang sila ng mga English na pang-dictionary, marami talaga eh,” sinabi ng Senador.
“Lalo ‘pag nagtatalo na. ‘Yun naglalabasan ng mga webster doon. Medyo dumudugo tenga ko. Hindi naman ako pinagsalita eh,” sinabi ni Padilla.
“Ang journal ko, may mga linya. ‘Pag may linya ‘yun ibig sabihin kailangan ko ng dictionary,” dagdag pa niya.
Sinabi ng political rookie na sa kanyang unang linggo, nakaramdam siya ng “saya” at “excited” tungkol sa kanyang bagong trabaho.
Ngunit inamin niyang kailangan pa niyang masanay sa kultura at “sumama” sa inner circle sa Senado.
“Hindi pa masyado. Pinipilit naman ni Senate President na ma-welcome ako. Siyempre bago ka eh, parang sa eskwelahan din, ‘pag bago ka, makisama ka muna. Pinipilit ko naman makisama,” ika niya.