By Frances Pio
––
Niyanig ng magnitude 4.6 na lindol ang ilang bahagi ng Surigao del Norte nitong Martes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ang tectonic tremor ay yumanig sa hilagang-silangang bahagi ng bayan ng Burgos bandang 2:04 a.m. at ito ay may lalim na isang kilometro ang, dagdag ng state seismologists.
Hindi nag-ulat ang Phivolcs ng intensity ng lindol. Hindi rin inaasahan ang pinsala sa imprastraktura at aftershocks.
Lumalabas sa naunang earthquake bulletin na ang nasabing pagyanig ay nasukat sa magnitude 5.0, ngunit ayon kay Phivolcs Science Research Specialist Benj Rodriguez, ito ay base sa preliminary data at naglabas na ng panibagong update tungkol sa nangyaring pagyanig.
Labing-isang lindol sa paligid ng parehong lugar, na may magnitude na mula 1.9 hanggang 3.5 ang sumunod sa nasabing pagyanig.
“Usually, nangyayari na talaga itong series ng events dito sa Burgos. Hindi lang po ngayon. Kumbaga, natural na lang doon sa area na gumagalaw siya at nagkakaroon ng mga sunod-sunod na paglindol,” ika ni Rodriguez.