By Christian Dee
MAYNILA – Hinuli ng mga awtoridad sa Quezon City ang isang traffic enforcer dahil sa umanong pangingikil ayon sa pulisya nitong Martes, Enero 17.
Nakatanggap ng ulat ang awtoridad mula sa isang Marek Moens, ang naging biktima ng nahuling suspek.
Matapos ito, sinabi ng Quezon City Police District sa isang ulat na ang dalawampung taong gulang na lalaki na nagngangalang Ronnie Santos ay inaresto sa kahabaan ng Quirino Highway noong Lunes.
Ayon sa ulat ng QCPD, pinigilan ng suspek si Moens at ang kanyang nobya habang bumabiyahe gamit ang motor dahil sa diumanong paglabag sa “no entry-one way.”
Nanghingi ng P2,000 si Santos sa biktima bilang multa sa nagawang paglabag nito.
“[Santos] demanded P2,000 from victim Moens equivalent to the fine of their traffic violation, which was immediately given by victim Moens,” saad sa ulat ng QCPD.
Hindi rin nag-isyu ng traffic ticket receipt si Santos kahit pinaalis na niya umano ito.
Nakumpiska naman ng mga awtoridad mula sa suspek ang perang ibinayad ni Moens sa kanya.
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD.