Share:

By Frances Pio

––

Hinihiling ng mga operator ng bus na itaas sa P20 para sa aircon at P15 para sa hindi aircon ang minimum fare. Ang pangunahing dahilan ay ang serye ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga nakaraang buwan.

Habang nagpatupad ng rollback sa presyo ang mga kumpanya ng langis sa nakalipas na tatlong linggo, sinabi ng mga operator ng bus sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi sapat ang bawas sa presyo para mabayaran ang mga karagdagang gastusin sa kanilang operasyon.

Sa pagdinig ng LTFRB sa en banc noong Huwebes, Hulyo 28, hindi bababa sa dalawang bus operator ang nagsabing ang malaking pagtaas ng presyo ng diesel bilang resulta ng malalaking pagtaas ng presyo ng petrolyo nitong mga nakaraang buwan ay nagtulak sa ilang mga operator ng bus na huminto sa pagseserbisyo sa kalsada.

Ikinatwiran nila na inaprubahan ang kasalukuyang pamasahe sa bus noong panahong nasa P44 kada litro lamang ang presyo ng diesel noong 2018.

Base sa petisyon ng Southern Luzon Bus Operators Association (SOLUBOA), Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panglalawigang Bus sa Pilipinas, at Samahang Transport Operators ng Pilipinas (STOP) Inc., humihingi sila ng P20 minimum fare para sa mga aircon buses sa unang limang kilometro at P3.40 sa bawat susunod na kilometro.

Para sa mga non-aircon buses, humihingi sila ng P15 na minimum na pamasahe sa unang limang kilometro at P2.70 kada kilometro pagkatapos ng limang kilometro na sakop ng minimum na pamasahe.

Ang Parehong P20 at P15 na minimum na pamasahe ay para sa mga city bus.

Para sa mga provincial buses, humihingi ang mga grupo ng P15 minimum fare para sa non-aircon buses at P2 para sa bawat susunod na kilometro.

Para sa mga aircon buses, ang mga grupo ay hindi humihingi ng minimum fare increase kundi sa increase sa singil sa kada kilometro.

Para sa mga regular na aircon bus, humihingi ang mga grupo ng P2.50 kada susunod na kilometro matapos ang limang kilometro na sakop ng minimum na pamasahe; P2.60 para sa bawat susunod na kilometro para sa De Luxe Bus; P2.70 para sa Super De Luxe at P3.60 para sa mga Luxury bus.

Samantala, sinabi ng LTFRB na naiintindihan nila ang mga argumento na inihain ng mga operator ng bus at nangakong titingnan ang kanilang pinagsamang petisyon.

Bukod sa pagtaas ng pamasahe, sinabi ng LTFRB na pinag-aaralan nila ang pagbubukas ng mas maraming ruta para matugunan ang inaasahang pagtaas ng bilang ng mga pasahero sa oras na magsimula ang face-to-face classes sa Nobyembre ngayong taon.

Leave a Reply