By Frances Pio
––
Muling sinuspindi ng University of the Philippines (UP) ang pagsasagawa ng UP College Admission Test (UPCAT) sa buong bansa para sa Academic Year 2023-2024.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, binanggit ni UP Office of Admissions Director Francisco De los Reyes na ang patuloy na mga panganib sa kalusugan at mga hadlang sa pagpapatakbo ng in-person tests dahil sa pandemya ang mga dahilan sa likod ng pagsususpinde ng UPCAT.
Binanggit din ni De los Reyes na ang desisyon ay pinagtibay ng University Councils (UC) ng walong constituent universities ng UP System bilang pagsasaalang-alang sa kaligtasan at kapakanan ng mga aplikante at personnels.
Sa pagsuspindi ng UPCAT, pananatilihin ng unibersidad ang UC-approved UP College Applications (UPCA), isang admission score model para sa pagsala ng mga estudyanteng aplikante ng unibersidad.
Unang ginamit ang UPCA noong 2020, sa parehong taon kung kailan sinuspindi ang UPCAT dahil sa mga paghihigpit sa kalusugan na dulot ng pandemya.