Share:

By: Jude Sagun

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng saloobin si Willie Revillame kaugnay ng balitang hihinto na sa pag-ere ang ilang programa ng ALLTV, kabilang na ang variety show niya na Wowowin.

Kumalat sa social media ang parte ng kanyang programa kung saan makikitang dismayado siya sa mga netizen na ikinatuwa ang balitang may mga mahihintong programa ang bagong TV network. 

“E parang natutuwa pa kayo na mawawala yung mga programa na nagbibigay saya at tulong. Sana hindi ganun,” saad ni Willie. 

“Sa sobrang blessed namin, huwag naman sana kayong ganun. Syempre nagsisimula pa lang ang ALLTV. Nagsisimula pa lang kami. Sanggol pa lang ito eh.”

Napaimin din si Willie na ang kawalan ng pagpasok ng commercials at sponsors ang dahilan ng pagpapahinto sa pag-ere ng kanilang flagship shows. 

“Talagang wala pang commercial na papasok dito kasi wala pa kaming reach. Wala pa kaming signal. Sinisimulan pa lang eh.”

Hiling ni Willie sa mga kritiko, ipagdasal na lang anya ang network at isantabi ang pulitika sa isyu. 

“Sana ipagdasal ninyo kami na sana marami kaming magawa. Marami kayong madinig na kabutihan di ba? Set aside yung pulitika.”

“Marami pa kayong dapat matutunan it’s not about the frequency. Kung alam n’yo lang ang totoo. Ayoko na lang magsalita na pangungunahan ko sila.”

“Yun lang po. Yun ang ginawa ko during the pandemic. Yun ang ginawa ko noong kalamidad. At hindi man lang po ako humingi ng isang boto.”

Sa kabila ng panawagan ni Willie na insantabi ang pulitika,  kwinestyun naman ng mga netizen ang mga naging reaksyon nito sa pagsasara ng ABS-CBN noong Mayo 2020. Kung saan sa isang video, makikita pa itong nakikipag-biruan kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque tungkol sa pagkawala ng prangkisa ng giant network. 

“I don’t wish for your misfortune Willie. I’ll just remember the way you laugh when 11,000 employees lost their dreams and jobs are the ones getting back to you. And everything is political. Everything,” ayon sa isang netizen na si @rodmagaru. 

Samantala, binanggit din ni Willie na mismong si dating presidente Rodrigo Duterte ang nagkumbinsi sa kanyang tumakbo sa pagka-senador. 

“Thrice pinatawag ako ng Presidente (Duterte) para tumakbong senador. Madaling araw tinatawagan nila ako. Sabi ko ‘Mr. President, hind ko puwedeng lokohin ang sarili ko. Hindi po ako marunong mag-English, hindi ako marunong mag-batas. Wala.”

“Ang kaya ko lang gawin ay magpasaya araw-araw. At sa abo’t kaya kong tulong, yun ang gagawin ko. Yun lang. Yun lang po ang puwede kong gawin.”

Hunyo 2022 nang aminin ni Duterte na ginamit niya ang kanyang presidential powers laban sa dating giant network na ABS-CBN. Naibenta na rin ng ABS-CBN ang kanilang dating analog transmitter sa ALLTV. 

Tatlong flagship shows ng ALLTV ang nakatakdang tumigil sa pag-ere, ito ang “Wowowin,” “Toni” ni Toni Gonzaga, at “M.O.M” or “Mhies On a Mission” nina Mariel Rodriguez, Ruffa Gutierrez at Ciara Sotto. 

Ang ALLTV ay TV channel ng  Advanced Media Broadcasting System (AMBS), at pagmamay-ari ng Prime Assets Ventures, Inc. na pinamumunuan naman ng businessman na si  Manuel Paolo Villar.

Leave a Reply