By Christian Dee
Ayon sa spokesperson ng Commission on Election (COMELEC) na si John Rex Laudiangco nitong Huwebes, Oktubre 6, ang COMELEC ay magsasagawa ng ‘Register Anywhere’ pilot testing sa Metro Manila.
Ang pamamaraang nabanggit para makapagrehistro bilang botante ay maisasagawa sa loob ng mga malls para mas ligtas, mas malamig at mas maayos.
Ani ni Laudiangco, sakop lamang ng mga estasyon o mall ang mga residente kung saan ang lokasyon ng mga magrerehistro.
“Ang limitation natin, yung mall na ‘yon ay magke-cater lamang doon sa mga resident kung saan sila nandoon. But this time, ipa-pilot test po natin sa National Capital Region po muna – na kahit saang munisipyo ka nakatira basta may natiyempuhan kang registration, kahit saang mall po, mayroon pong booth doon na ‘Register Anywhere’, doon ka po manunumpa, doon ka magpi-fill up, doon kukuhanin ang fingerprint at biometrics mo, at ipoproseso ang registration,” sabi ng naturang spokesperson.
Ayon sa kaniya, magko-comply pa rin ang COMELEC sa Republic Act 8189 partikular sa posting ng mga pangalan ng mga nagrehistro matapos tanungin sa isang panayam kung paano nila iibsan ang mga agam-agam ng publiko na baka magamit pa sa iba ng paraan ang pagrehistro ng kanilang mga pangalan.
Tugon ni Laudiangco, “Bago po kasi mag ERB hearing, ang proseso po diyan, iipunin lahat ng pangalan. Una nung mga mag-aapply na bagong registrant o kaya yung magtatransfer, yung magpapalit ng pangalan. Lahat po ‘yan ay naka-print, ipopost po namin sa tanggapan naming ng COMELEC. Doon mismo sa city or municipality niyo.”
“Hindi lamang ‘yan, para don sa barangay po ninyo, ipopost din po namin ang pangalan. So, yung mga tao po natin, yung kababayan nating nagrehistro, makukumpirma niyo, ‘pag nasama yung pangalan niyo sa listahan,” dagdag pa niya.
