Share:

Nagpakita ng buong suporta ang mga dating cabinet secretaries mula sa administrasyong Ramos at Macapagal-Arroyo sa kandidatura ni Manila Mayor Franscisco “Isko Moreno” Domagoso sa pagkapangulo ng bansa.

Ang dating mga miyembro ng gabinete na sumusuporta kay Isko ay kinabibilangan nila dating Executive Secretary Ruben Torres ng administrasyong Ramos, at dating Agrarian Reform Secretary Hernani Braganza, gayun din si dating Trade Undersecretary at Agriculture Secretary Ernesto Ordoñez ng administrasyong Arroyo.

Ang tatlong dating cabinet secretaries ay personal na bumisita sa Manila City Hall upang ipakita ang kanilang supora kay Mayor Isko Moreno at kanyang running mate na si Dr. Willie Ong.

Samantala, dumalo naman sa pagpupulong si dating Agriculture Secretary Leonardo Montemayor via Zoom at tinanong si Moreno sa kanyang plano sa sektor ng agrikultura kung siya ang mahahalal na presidente. Dumalo rin si United Broiler Raisers Association (UBRA) president Bong Inciong, at Dairy Confederation of the Philippines national chairman Danilo Fausto.

“Mayor, yung sinabi niyo na malaki ang tenga niyo, meaning handa kayong making, malakas po ang dating nun. Sinabi niyo rin noon, sa declaration speech niyo, ang plano ‘natin’, yun po yung natin, ay parang bandila ng Pilipinas na ating hahabiin mula sa hibla at sinulid na manggagaling sa inyo,” ani Montemayor.

Ipinadala naman ng grupo ni Montemayor kay Moreno ang kanilang 12-point agenda para sa ikagaganda ng agrikultura sa bansa.

Humanga ang dating mga cabinet secretaries sa panukala ni Moreno na bawasan ang buwis sa petrolyo at kuryente, pagpapatayo ng mga cold storage at post-harvest facilities sa iba’t ibang probinsya, at pagbukas ng trabaho para sa mga Pilipino sa tulong ng mga medium, small and micro enterprises (MSMEs).

“They are game-changing, revolutionary, creative and based on facts,” ayon kay Ordoñez.

Sinabi naman ni Braganza, isang dating press secretary, unang beses niyang makarinig sa isang kumakandidatong presidente na handa nitong isakripisyo ang kaban ng bayan para sa mga ordinaryong Pilipino.

“Ang isang magandang narinig ko, dapat mag sakripisyo ang gobyerno, kesa mapunta sa gobyerno at nakawin lang ng pulitiko. Ngayon ko lang narinig yan sa isang potensyal na pangulo ng Pilipinas na ganyan ang plataporma,” ani Braganza.

“You can feel that it can be a brighter future. How to fix the economy with emphasis on malilit na tao na may maliliit na income, ang palaging kausap magsasaka o di kaya manggagawa,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay Moreno, lubos niyang pinahahalagahan ang suporta ng mga dating opisyal ng Gabinete, at sinabing kakailanganin niya nang maraming tulong para maipanalo ang laban para sa “buhay at kabuhayan.”

“Nagpapasalamat ako sa mga organisasyon, sa ibang sector, na-appreciate nila yung effort namin na to listen to them, naka-create kami ng ideas. Maraming salamat na na-appreciate ng dating gabinete ng bansa na kailangan namin talaga ng tulong para magtagumpay sa laban,” ani Moreno.

“I am happy that a lot of sensible people are throwing their support to us,” dagdag pa niya.

Ipinangako ni Moreno na ipagpapatuloy ng kanyang grupo, kasama si Dr. Willie Ong at buong Aksyon Demokratiko ang pakikinig sa hinaing ng taumbayan mula sa iba’t ibang sulok ng bansa upang makabuo ng mga plano para sa ikabubuti ng buhay ng bawat Pilipino.

“Talagang kailangang-kailangan namin ang tulong ni Doc Willie. If palarin kami, first two years, alam niyo na ang direksyon – buhay at kabuhayan, tao muna,” pagdiin ni Moreno.

(By: Aj Lanzaderas Avila)

Leave a Reply