By Frances Pio
––
Halos kalahati na ang kumpleto sa isang seawall project sa Coastal Town ng Ballesteros, inihayag ng Department of Public Works and Highways-Cagayan Second District Engineering Office (DPWH-CSDEO) nitong Lunes, Hulyo 4.
Sinabi ni Regional Director Loreta M. Malaluan at District Engineer Oscar G. Gumiran na ang proyekto ay magbibigay ng proteksyon sa mga residente laban sa pag-apaw ng tubig at storm surge.
Ayon kay Gumiran, ang P50-milyong proyekto ay kinabibilangan ng pagtatayo ng 820-linear meter slope protection at shore protection na may sukat na 0.2-meter na kapal.
Kasama rin dito ang paggawa ng higit sa 4,000 piraso ng kongkretong hexapod na makatutulong na maiwasan ang scouring sa paligid ng pundasyon ng istraktura.
Nasa 40 porsiyento na ang proyekto, na inaasahan na makumpleto bago ang nakatakdang petsa nito sa Oktubre.
Ang proyekto ay ipinapatupad sa pamamagitan ng Sustainable Infrastructure Projects Alleviating Gaps (SIPAG) program na pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act of 2022.