Share:

By Frances Pio

––

Isang lalaki ang nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos umanong tumalon sa Mabini Bridge sa Pasig River sa Maynila noong Linggo, Hulyo 3.

Sa ulat na nakarating sa PCG Headquarters sa Port Area, Manila, kinilala ang lalaki na si Jessie Ang, 29, nakatira sa Brgy. 814, Mindoro St., Paco, Manila.

Ayon sa ulat, unang nakita si Ang na nakaupo sa gilid ng Mabini Bridge ni Reskie Aguilar, ang Sangguniang Kabataan (SK) chairman ng Brgy. 830, habang naka-shorts lang at naka-tsinelas.

Nang maramdamang may mali sa nakita, humingi ng tulong si Aguilar sa mga opisyal ng barangay nang makipag-ugnayan sila sa PCG Station Malacanang para sa tulong.

“The responding PCG personnel tried to talk to him but he suddenly jumped off the Mabini Bridge,” ayon sa ulat.

Hindi agad malinaw kung bakit itinaya ni Ang ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagtalon mula sa tulay.

Agad namang nagpakalat ng life vest at life buoy ang mga rescue personnel na naka-standby malapit sa Mabini Bridge para makalangoy ito pabalik sa aluminum boat ng PCG habang tinutulungan ng PCG team.

Ilang bystanders ang nakasaksi sa suspenseful rescue operation ng PCG at nakunan ng mga larawan at video nito.

Dinala si Ang sa PCG Sub-Station Hospicio de San Jose kung saan siya ay umilalim sa assessment ng mga medical personnel. Binigyan din siya ng paunang lunas, damit, pagkain, at tubig habang sumasailalim sa profiling.

Leave a Reply