By Christian Dee

MAYNILA – Sinabi ngayong Lunes, Abril 24, ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinag-aaralan ng pamahalaan ang mungkahing maibalik sa Marso ang simula ng bakasyon sa mga paaralan.

Ito ang naging tugon ni Marcos nang tanungin kung pabor ang pangulo sa adjustment ng school break sa kabila ng mainit na panahon.

Aniya, pinag-aaralan ito nang mabuti ng pamahalaan kasunod ng natapos na lockdown, hakbang para mapigil ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Bagama’t tapos na ang lockdown, hindi pa rin matiyak ng pangulo ang petsa ng umpisa ng bakasyon sa mga paaralan.

“Since hindi na tayo naka-lockdown, ibalik na natin siguro [sa] dati but kung kailan kasi ang gagawin ang actual na semester, kailan mag-uumpisa ang bakasyon ay hindi pa nade-decide dahil mayroon pa rin tayong mga cases na nakikita natin na [yung] COVID umaakyat naman ‘yung replication rate, umaakyat naman,” ani Marcos.

Giit niya, ang magiging adjustment sa umpisa ng bakasyon sa mga paaralan ay ibinabagay sa panahon na anya ay nagiging problema sa pagtutukoy ng petsa nito dahil sa hindi mawaring klima sa bansa.

“Binabagay natin iyan sa seasons, iyun ang naging problema kung ibabalik o hindi, dahil hindi masabi kung kailan mag-uumpisa ang ulan, kailan magiging mainit,” anang pangulo.

Dagdag pa niya, hindi na biro ang global warming at climate change kaya kailangang gawin ang lahat upang mabawasan ang epekto ng mga ito.

Samantala, nauna nang sinabi ng Kagawaran ng Edukasyon (Department of Education) na nasa mga pamunuan na ng paaralan ang awtoridad upang magsuspinde ng mga klase sakaling hindi “conducive” para sa pag-aaral ang kapaligiran.

Leave a Reply