By Christian Dee
MAYNILA – Isang pulis ang binawian ng buhay sa Lipa, Batangas matapos aksidenteng maputukan ng kanyang nililinis na baril nitong Linggo, Abril 23.
Kinilala ang nasawi na si Staff Sergeant Ronald Silva, 46-anyos, ng Mobile Patrol Unit ng Lipa Police Station.
Base sa ulat ng pulisya ng Region 4A (CALABARZON), bandang alas-5 ng umaga ay natagpuan ng kanyang anak na si Daniela na patay na si Silva sa kubong nasa likuran ng kanilang tahanan sa Barangay Bulacnin.
Ayon kay Lipa police chief Lt. Col. Ariel Azurin, tinamaan sa ulo si Silva, dahilan ng pagkamatay nito.
Sa imbestigasyon, sinabing nakita rin ang isang caliber .99m pistol, one spent shell, at ang mga materyales sa paglilinis ng baril.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon, ayon sa ulat.
