By Frances Pio
––
Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes na nasagip ang tatlong mangingisda mula Bataan matapos tumaob ang kanilang motorbanca sa paligid ng San Nicholas Shoal sa Cavite.
Kinilala ang mga nasagip na mangingisda na sina Joel Dela Cruz Dimano Jr., 45; Alexander Bababel, 44; at Joshua Morallos, 22 taong gulang, pawang mga residente ng Mariveles, Bataan.
Sinabi ng PCG Station sa Maynila na nakatanggap sila ng ulat na tatlong mangingisda ang nasagip ng dumaan na cargo vessel na MV Ever Pride.
Ang BRP Malabrigo ng PCG ay tumuloy sa nasabing na lokasyon at sinuri ang tatlong nasagip na mangingisda na pawang nasa mabuting kalagayan.
Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat na nagkaroon ng problema sa makina ang motorbanca noong Martes. Ang sitwasyon ay pinalala ng malakas na hangin at maalon na karagatan dulot ng Severe Tropical Storm “Florita” (international name: Ma-on) at nang habagat.
