By Frances Pio
––
Isang grupo ng mga lider ng Simbahan ang nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling buhayin ang government peace panel at ipagpatuloy ang peace negotiations sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ang political arm ng Communist Party of the Philippines ( CPP).
Sa isang liham sa pangulo, hinimok ng Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP) si Marcos na buuin muli ang peace panel ng GRP (Government of the Republic of the Philippines) at ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP, igalang at itaguyod ang mga kasunduan na pinasok ng mga nakaraang administrasyon.
Ang pahayag ay ginawa noong Huwebes sa ika-30 anibersaryo ng 1992 Hague Joint Declaration, isa sa ilang mga kasunduan na naabot sa on-and-off na negosasyon mula noong 1986, o 36 na taon na ang nakararaan.
Sinabi ng PEPP na dapat muling isaalang-alang ni Marcos ang approach ng kanyang administrasyon para sa kapayapaan, at binanggit na ang “all-out war policy” ng nakaraang administrasyon ay nabigo upang malutas ang ilang dekada nang armadong labanan.