By Christian Dee
MAYNILA – Inanunsyo ng Commission on Elections sa kanilang social media na 13 araw na lamang ang natitira bago muling magbukas ang voter registration.
Simula Disyembre 12, 2022 hanggang Enero 31, 2023, maari nang magparehistro ang mga nais maging botante.
Ayon sa COMELEC, bukas ang tanggapan nito Lunes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, kabilang ang mga holidays.
Maaring magparehistro sa mga Opisina ng Election Officer o saan mang satellite registration sites.
Samantala, sampung araw na lamang ang nalalabi bago ang pagbubukas ng overseas voter registration.
Bukas naman ito, ayon sa komisyon, simula Disyembre 9, 2022 hanggang Setyembre 30, 2024, para sa 2025 National at Local Elections.
Maari namang magtungo sa mga embahada, konsulada, o iba pang mga registration center sa ibang bansa, o sa mga itatalagang registration centers at Opisina ng Election Officer sa Pilipinas.
Anang COMELEC, para sa mga karagdagang detalye at tamang impormasyon, maaring magpadala ng mensahe sa mga opisyal na social media page nito at sa Office for Overseas Voting PH.
