MAYNILA – Nitong Miyerkoles, mas pinalawig na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline para sa mga drayber at operator ng tradisyunal na dyip na sumali sa umiiral na kooperatiba.

Ani LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III ngayong Miyerkoles, Marso 1, extended na ito hanggang Disyembre 31, 2023.

Kaugnay dito ay ang pagpapalawig din sa prangkisa ng mga tradisyunal na drip sa kaparehong petsa.

Sa isang press briefing naman, sinabi ni LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano na bukas para sa pakikipagdiyalogo ang ahensya sa mga transport groups ukol sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.

“Bukas pa rin po ang LTFRB at DOTr at patuloy natin na gagawan ng paraan ang pakikipagdiyalogo sa kanila,” ani Bolano.

Ngunit sinabi rin niyang nakalulungkot na hindi natuloy ang inisyatiba ni Department of Transportation Secretay Jaime Bautista.

Kaugnay dito, nagkakasa naman ang ilang transport groups na magsagawa ng tigil-pasada bilang kanilang protesta at pagpapahayag ng pagtutol sa pag-phaseout ng mga tradisyunal na dyip.

Inaasahang nasa 40,000 katao mula sa sektor ang makikiisa sa protesta simula Marso 6 hanggang Marso 12.

Matatandaang ipinanawagan ng mga Senador sa LTFRB kahapon, Pebrero 28, ang pagpapaliban sa naturang deadline na Hunyo 30 sa pamamagitan ng pagpapatibay ng isang resolusyon.

Leave a Reply