By Frances Pio
Mahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang estudyante matapos itong arestuhin sa pagbibiyahe ng iligal na droga mula Kalinga patungong Baguio City.
Inihayag ni BGen. Ronald Oliver Lee, Regional Director ng Police Regional Office-Cordillera, na nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Tabuk City Police Office at Regional Drug Enforcement Unit na may lalaking magdadala ng marijuana sa Abril 3.
Sinabi ni Lee na agad na tumungo ang mga operatiba sa lugar upang suriin ang katotohanan ng impormasyon na lumabas na positibo at nagresulta sa pagkakaaresto kay Christian Kyle A Tercero, 23, residente ng Upper Pinget, Baguio City.
Narekober ng pulisya ang apat na piraso ng tuyong marijuana brick na tumitimbang ng 4,000 gramo na may standard drug price (SDP) na P480,000 at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.2 gramo na may SDP na P1,360.
