Dalawang konsehal ng Davao City na tumatakbo para muling maihalal sa ilalim ng slate ng Hugpong ng Pagbabago at Hugpong sa Tawong Lungsod (HNP-HTL) ang tinanggal sa listahan ng mga opisyal na kandidato ng partido nitong Miyerkules, Nobyembre 17.
Inihayag ni Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa kanyang Facebook page na sina Konsehal Nilo “Small” Abellera Jr. at Pamela “Pameng” Librado-Morata ay hindi na bahagi ng opisyal na listahan ng mga kandidato ng HNP-HTL para sa konseho ng lungsod ng Davao para sa Halalan 2022 at binawi ang kanilang mga certificates of nomination and acceptance (CONA).
“The party believes that their (Abellera’s and Librado-Morata’s) ideals are not in line with the political party’s vision for Davao City and the Philippines. We wish them well in their future endeavors,” pahayag ni Vice Mayor Duterte.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Miyerkules, Nobyembre 17, ibinunyag ni Morata na ang kanyang nominasyon bilang opisyal na miyembro ng HTL ay binawi nang walang anumang kunsultasyon o bigyan siya ng pagkakataong ipagtanggol ang sarili laban sa walang basehan at malisyosong mga akusasyon.
Sinabi ni Morata na tinanggal siya sa partido dahil sa mga alegasyon ng kanyang kaugnayan sa CPP-NDF-NPA at Gabriela, isang organisasyon ng kababaihan na inaakusahang bilang isang front organization ng CPP-NDF-NPA ng National Task Force to End Local Armed Conflict ( NTF-ELCAC). (By: Frances Pio)
