By: Aj Lanzaderas Avila
ASINGAN, PANGASINAN —Binigyang pag-asa ng Barkadahan Partylist si Tatay Nardo, isang Lolo na nakulong matapos akusahang nagnakaw ng Mangga sa Asingan, Pangasinan, sa pamamagitan ng pagtugon sa kanyang mga pangangailangan tulad ng ilang gamit sa bahay at grocery package.
Lingid sa kaalaman ng marami, ayon sa mga nakakakilala sa naakusahan, isang napakabait na tiyuhin at kapitbahay si Tatay Nardo at taliwas umano ang mga ibinibintang dito sa pagkakakilanlan ng mga tao sa kanya.
“Mabait, mapagbigay at lahat ng pamangkin niya ay itinuturing niyang parang sariling anak”, ani Chona Flores, na lumaking walang magulang at pamangkin ni Tatay Nardo na siya namismong tumayo bilang kanyang ama.
Matatandaang kamakailan ay inaresto ng pulisya ang 80-anyos na Lolo matapos akusahang nagnakaw ng 100-kilo ng Mangga na pag-aari umano ng kanyang kapitbahay.
Gayunpaman, matapos magbayanihan ang mga pulis at iba pang indibidwal, nakapagpiyansa at nakalaya si Tatay Nardo. Ayon sa kanya, magsisilbing aral ang nangyari at magiging simula ng kanyang bagong buhay sa tulong ng mga ipinaabot na donasyon ng Barkadahan at ng iba pang mga indibidwal.
