By Christian Dee
MAYNILA – Ayon sa pangulo ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP) na si Herman Basbaño, alanganin ang pagbisita ng mga pulisya sa mga bahay ng ilang mga journalist kaya nararapat itong mapag-usapan.
Nabanggit ng presidente ng organisasyon na alanganin ang kanilang pagpunta dahil hindi masisigurado kung miyembro nga ba ng Philippine National Police (PNP) ang dumadalo sa iyong tahanan.
Ani Basbaño sa isang panayam, “Parang alanganin ‘yun kasi tapos biglaan lang hindi mo malaman may pupunta sa ‘yo. Hindi mo naman masiguro kung member ng PNP natin ‘yan.”
Giit din niya na dapat may pag-uusap sa pagitan ng PNP at media.
“The best talaga ay is siguro idaan sa media entity o sa media office ‘no,” dagdag pa niya.
Kung hindi sa opisina aniya ay maaring idaan ang pakikipag-usap gamit ang print o online media group o hindi naman kaya ay sa mga organisasyon ng media.
Abiso rin nito na kung sakaling may pagbabanta ay dapat direktang makipag-usap ng pulisya sa mga miyembro ng media.
