By Frances Pio
––
Pinangalanan ng papasok na administrasyong Marcos ang ilang mga Cabinet secretaries-designate bago ang turnover of power sa Hunyo 30.
Ang mga nominado sa ngayon ay sina:
Sara Duterte, Department of Education
Ang running mate ni Marcos at Vice President-elect na si Sara Duterte ay magsisilbing Kalihim ng Edukasyon.
Si Duterte, ang anak ni outgoing President Rodrigo Duterte, ay malugod na tinanggap ang kanyang nominasyon at binigyang-diin ang pangangailangan na magkaroon ng bagong henerasyon ng mga tagapagtaguyod para sa kapayapaan at disiplina.
Benhur Abalos, Department of the Interior and Local Government
Magsisilbi ang dating Metropolitan Manila Development Authority Chairman na si Benhur Abalos pinuno ng DILG.
Noong Pebrero, umalis si Abalos sa kanyang pwesto sa MMDA para magsilbi bilang national campaign manager ni Marcos.
Vic Rodriguez, Executive Secretary
Ang matagal nang chief of staff at tagapagsalita ni Marcos na si Vic Rodriguez ay tinanggap ang hamon bilang executive secretary.
Ang posisyon ng executive secretary ay kadalasang binibigyan ng monicker na “Little President” dahil sa mandato nito na “direktang tulungan ang Pangulo sa pamamahala ng mga gawain sa gobyerno pati na rin ang pamamahala sa mga operasyon ng Executive Office.” Kailangan ding tiyakin ng opisyal na ang lahat ng direktiba at utos ng punong ehekutibo ay natutupad.
Rep. Boying Remulla, Department of Justice
Tinanggap ni Cavite Rep. Jesus Crispin “Boying” Remulla ang alok na maging Secretary of Justice.
Kung magpapatuloy ang appointment, dapat na lisanin ni Remulla ang kanyang pwesto sa kongreso para sa Cavite 7th district.
Bienvenido Laguesma , Department of Labor and Employment
Gagampanan ni Laguesma ang tungkulin na dati niyang hawak sa ilalim ng administrasyon noon ni Pangulong Joseph Estrada.
Siya ay isang abogado na nagsilbi rin bilang miyembro ng governing board ng Social Security System.
Susan “Toots” Ople, Department of Migrant Workers
Itinatag ni Ople ang non-profit na organisasyon na Blas Ople Policy Center, na ipinangalan sa kanyang yumaong ama na noong 1976 ay nagsimula ng trabaho sa ibang bansa bilang labor secretary sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand E. Marcos.
Siya ay dating Labor undersecretary at sa ilalim ng bagong administrasyon ay gagampanan ang mandato ng bagong buong departamento na pinagsasama-sama ang ilang ahensya upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga manggagawa sa ibang bansa o OFW.
Arsenio Balisacan, Socioeconomic Planning at National Economic and Development Authority
Babalik din si Balisacan sa pamilyar na lugar bilang pinuno ng NEDA. Hawak niya ang parehong posisyon sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Siya ay isang ekonomista at tagapangulo ng Philippine Competition Commission.
Trixie Cruz-Angeles, Presidential Communications Operations Office
Tinanggap ng lawyer-turned-vlogger at radio commentator na si Trixie Cruz-Angeles ang nominasyon na maging Kalihim ng Presidential Communications Operations Office.
Sinabi ni Spokesperson Rodriguez na ang kanyang tungkulin bilang press secretary ay limitado bilang isang “talking head” sa mga media briefing.
Si Cruz-Angeles ay dating bahagi ng PCOO mula Hulyo 2017 hanggang 2018 bilang isang social media strategist.
Benjamin Diokno, Department of Finance
Si Diokno ay kasalukuyang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas, isang puwesto na nakatakda niyang pamunuan hanggang Hulyo 2023, ngunit kanyang lilisanin ito sa oras na maupo siya sa posisyon sa ilalim ng bagong administrasyon.
Papalitan ni Felipe Medalla si Diokno at magsisilbi sa natitirang termino.
Alfredo Pascual, Department of Trade and Industry
Si Pascual ay presidente ng Management Association of the Philippines. Siya ay dating pangulo ng University of the Philippines System mula 2011 hanggang 2017.
Manny Bonoan, Department of Public Works and Highways
Si Bonoan ay presidente at punong ehekutibong opisyal ng SMC Tollways. Sa isang briefing noong Mayo 26, sinabi ni Marcos na ginugol ni Bonoan ang halos lahat ng kanyang propesyonal na karera sa DPWH at kumpiyansa siyang gagawin ni Bonoan ang magandang trabaho.
Antonio Lagdameo Jr., Special Assistant to the President
Si Lagdameo ay kinatawan ng 2nd District ng Davao del Norte mula 2007 hanggang 2016. Sinabi ni Marcos na hiniling niya kay Lagdameo na maging special assistant dahil kilala nila ang isa’t isa at dahil alam niyang ang trabaho ay magiging “easy position for him to pick up.”
Maria Zenaida Angping, Presidential Management Staff
Kinatawan ni Angping ang Ikatlong Distrito ng Maynila mula 2007 hanggang 2016. Nagtrabaho rin siya sa Tanggapan ng Gobernador ng Leyte.
Christina Frasco, Department of Tourism
Si Frasco ang tagapagsalita ni Vice President-elect Sara Duterte at ang reelected mayor ng Liloan, Cebu sa May 9 polls.
Amenah Pangandaman, Budget and Management
Si Pangandaman ay isang assistant governor sa Bangko Sentral ng Pilipinas at dating Budget assistant secretary.
Erwin Tulfo, Social Welfare and Development
Si Tulfo ay isang broadcaster at kapatid ni Senator-elect Raffy Tulfo.
Ivan John Uy, Information and Communications Technology
Si Uy ay isang abogado at naging chairman ng Commission on Information and Communications and Technology noon sa ilalim ni Pangulong Benigno Aquino III. Siya ay corporate secretary ng Philippine Chamber of Commerce and Industry.
