By: Aj Lanzaderas Avila

Naghahanda na ang pamahalaang lungsod ng Maynila, sa ilalim ng liderato ni Mayor Isko Moreno Domagoso, para sa posibleng Omicron Covid-19 variant surge sa bansa.

Sa kabila ng pagkakaroon ng “busy schedule” ng alkalde, dahil sa personal na pagpunta nito sa mga probinsya ng Cebu at Bohol upang ipaabot ang kahong-kahong medisina, vitamins, generator sets, at cash assistance matapos manalasa ang bagyong Odette, siniguro ni Moreno na handa ang lungsod ng Maynila sa posibleng pagkalat ng nasabing variant.

Noong nakaraang Sabado, nakipagpulong si Moreno kay Manila Health Department director Dr. Arnold “Poks” Pangan kasama ang iba pang direktor mula sa anim na ospital at Covid-19 Field Hospital upang mapaghandaan ang pagpasok ng Omicron variant sa lungsod.

Sa ngayon, mayroong apat na kumpirmadong kaso ng bagong Omicron Covid-19 variant sa bansa.

“We have to prepare since Omicron could be worse than Delta. We should have sufficient hospital beds and medicines. Kailangang lalung pabilisin ang vaccination, including opening booster shots for everyone qualified after their second dose,” salaysay ni Moreno.

Sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Isko, pinaghandaang mabuti ng Manila City government ang laban kontra sa pandemya, naipatayo ang Covid-19 Field Hospital sa tapat ng Quirino Grandstand sa loob lamang ng 52 na araw. Mayroon itong 344-beds at tumatanggap ng mga pasyenteng may ‘mild’ hanggang ‘moderate’ Covid-19 infection.

Hinanda rin ni Moreno ang mga district hospitals sa lungsod sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga modernong kagamitan tulad ng sa Sta. Ana Hospital na ngayo’y naging Infectious Disease Control Center ng lungsod.

Isa na rin dito ang Bagong Ospital ng Maynila na mayroong world-class facilities na kayang sumabay sa mga private hospitals sa Metro Manila. Ang lumang gusali naman ng ospital ay gagawing College of Medicine ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Maliban sa Bagong Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital, mayroon ding iba pang pampublikong ospital sa Maynila tulad ng Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Tondo, Justice Abad Santos Medical Center, at Gat Andres Bonifacio Medical Center. Kasalukuyan namang ginagawa ang P110-milyon President Corazon C. Aquino General Hospital sa Baseco Compound.

May nakahanda na ring suplay ng anti-Covid drug na Remdesivir at Tocilizumab ang lungsod, at nito lang nakaraang buwan, dumating ang mahiit 40,000 capsules ng bagong gamot kontra Covid-19 na Molnupiravir.

Gaya ng sinabi ng alkalde na bukas ang lungsod ng Maynila sa taumbayan, muling sinabi ni Moreno na ang mga gamot at serbisyo ng mga ospital ay libre para sa mga Pilipino.

“Huwag kayong mahihiya sa Lungsod ng Maynila kasi niyayakap namin ang bawat tao sa loob at labas Lungsod ng Maynila. Hangga’t kaya ng supply namin, we can give anti-Covid medicines such as Remdesivir, Tocilizumab and Molnupiravir to patients needing those life-saving drugs. We did it before, we will do it again pag lumala ulit ang Covid situation natin,” ani Moreno.

Samantala, binati naman ni Aksyon Demokratiko vice presidential candidate Dr. Willie Ong ang mga lokal na opisyal ng San Fabian, Pangasinan matapos ang matagumpay na pagsisimula ng kanilang vaccination drive para sa mga batang nasa edad 12 hanggang 17 kontra Covid-19.

Sinabi ito ni Ong sa kanilang pagbisita sa probinsya kasama ang kantang senatorial candidates na sina Samira Gutoc at Carl Balita bilang parte ng kanilang “Team Vaccination Drive Payo at Kamustahan” noong araw ng Lunes.

“Children are very fortunate that they will be vaccinated with the Pfizer vaccine brand which is considered as one of the best in the world. Yun lang naman, hindi naman delikado po, one to two days lang at sabi nila Carl eh Pfizer ang ibibigay na bakuna sa inyo, napakaganda,” salaysay ni Ong.

Ayon naman kay Balita, masaya siya na makabisita sa San Fabian kung saan ipinanganak ang kanyang ina, at matunghayan ang pagbabakuna sa mga kabataan.

“Pfizer ito magandang bakuna kaya pasalamatan ninyo ang local government ninyo for Pfizer, one of the best. Actually, ‘yan ang pangarap ng marami na hindi pa nagkaroon ng Pfizer,” ani Balita.

Leave a Reply