By: Aj Lanzaderas Avila

Ipinangako ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso noong araw ng Miyerkules, na kung sakaling mahalal bilang pangulo ng bansa, magiging isa sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon ang pagpapalakas sa academic at research insitutions ng sektor ng agrikultura upang masiguro ang food security ng bansa.

“I hope that someday, somehow, may awa ang Diyos, kung papalarin tayo, we will continue to invest to the number one threat to national security, which is food security.  The best way to do it, buhayin muli, palakasin muli ang akademya sa agrikultura,” saad ni Moreno.

“Kaya makaka-asa ang ating mga guro na mamumuhunan ang pamahalaan natin, someday, somehow, bigyan ako ng pagkakataon, to help our professors, teachers to the mastery of their skills. Mamumuhunan tayo lalo na dito, magagaling talaga ang mga teacher dito pagdating sa pagkain o agrikultura. So, we will support them someday and we will invest in our teachers,” sinabi ni Moreno sa kanyang pagbisita sa University of the Philippines in Los Baños (UPLB). 

Malaki ang naging impluwensya ng UPLB sa Asian agriculture at biotechnology dahil sa kanilang “pioneering efforts” sa plant breeding at bio engineering, partikular sa pagpapaunlad ng high-yielding at pest-resistant crops. Mayroon din silang mga local at international research centers, kabilang na ang International Rice Research Institute (IRRI), ASEAN Center for Biodiversity, World Agroforestry Centre, at ang Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA).

Kabilang sa iba pang pangunahing institusyong nagdadalubhasa sa pagsasaliksik sa agrikultura ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice), na dalubhasa sa pagbuo ng mga teknolohiyang may mataas na ani at nakakabawas sa gastos para sa mga magsasaka; at ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), na inaatasan na bumuo, magpalawig at magkomersyal ng naaangkop na agrikultura at pangisdaan postharvest at mga teknolohiya ng mekanisasyon.

“So, I think it’s high time for us to invest in our teachers, develop them, equip them, our institution, focused, result-driven effort, then the farmers para magaan naman yung kanilang kita,” salaysay ni Moreno.

Maliban sa pagpondo sa mga academic at research institutions na nakatutok sa agriltura, sisiguraduhin umano ni Mayor Isko na ang magiging produkto ng mga institusyong ito ay pakikinabangan ng sektor ng agrikultura sa bansa.

“Hindi lang rice research. In fact, hangggang ngayon kinikilala sa mundo ang UPLB, IRRI for that matter dahil sa kagalingan nito. Napapakinabangan ito ng iba’t-ibang bansa. Bakit lumabas bandang huli, nag-iimport na tayo ng bigas, tapos natataka ako nawawala na yung bawang sa norte. Bakit hirap na hirap yung magsisibuyas sa Nueva Ecija?  O, because our market is flooded with imported products. Paano na yung mga magsasaka?  O baka lang namamali tayo ng direksyon na puhunanan yung ating mga guro sa agrikultura, institusyon sa agrikultura at higit sa lahat, yung mga magsasaka,” ani Moreno.

Ang agrikultura ay isa sa mga pangunahing haligi ng 10-point Bilis Kilos Economic Agenda ni Moreno, na siyang magiging gabay ng kanyang administrasyon upang mapabilis ang paglago ng tao at ekonomiya kung mahahalal na pangulo.

Layunin ni Moreno na itaas ang kita ng mga magsasaka sa antas ng karaniwang manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapababa sa halaga ng produksyon ng agrikultura; pagbibigay ng risk-free na kapital; pagbuo ng higit pang mga sistema ng irigasyon habang pinapabuti ang kahusayan ng mga umiiral na; at pagtatatag ng Department of Fisheries and Aquatic Resources, bukod sa iba pa.

Para matiyak ang kita ng mga magsasaka, sinabi ni Moreno na bibilhin ng kanyang administrasyon ang sobrang ani ng mga magsasaka sa tamang presyo; maglalabas ng malinaw na alituntunin sa mahigpit na pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura upang matiyak na ang mga lokal na prodyuser ay makakapagbenta muna ng kanilang mga produkto bago gawin ang pag-angkat; at pigilan ang pagpupuslit ng mga produktong agrikultura upang protektahan ang interes ng mga lokal na magsasaka.

“So, pumanatag kayo. Lagi kong pagtutuunan yung ating number one threat to national security, which is food security. And it is high time for the next administration to focus and invest on it,” ipinunto ni Moreno.

Leave a Reply