By: Aj Lanzaderas Avila
Ang “Nais Ko” music video ni presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, noong ika-8 ng Pebrero ay naitalang “most watched video” sa Youtube, kumpara sa mga inilabas na video ng ibang presidentiables, matapos umani ng mahigit 20-million views.
Kasama ang mga sikat na rapper na sina Smugglaz at Bassilyo, ipinakita sa 4:26-minute music video ang pinagmulan ni Moreno sa Tondo bago siya maging isa sa mga pinakamaimpluwensyang lider ng bansa. Umabot agad sa 26,000 views sa Youtube ang video sa loob lamang ng isang oras matapos itong ilabas noong tanghali ng Disyembre 28.

24-hours matapos i-upload ang music video sa Youtube, umani agad ito ng halos 900,000 “plays,” na nagpapatunay na ang mga eksena ay naglalarawan sa pang araw-araw na buhay ng mga mahihirap na Pilipino.

“Yun yung tunay na buhay ng tao. Yun yung tunay na sitwasyon,” saad ni Moreno.
Nagawa ding lampasan ng “Nais Ko” music video ang views ng sikat na ABS-CBN Christmas jingle na “Sama-sama ngayong Pasko,” kahit ang nasabing video ay nai-upload dalawang araw bago ang MV ni Isko.
Samantala, kumpara sa inilabas na music video ni Mayor Isko, ang jingle ng kanyang katunggali at ngayo’y Vice President Leni Robredo na “Kay Leni Tayo,” na inilabas noong Agosto 19, 2021, ay nakakuha lamang ng 203,00 views sa Youtube. Ang jingle ay isinulat nang libre ng “Tala” composer na si Nica Del Rosario. Ang campaign video naman ng dating senador na si Bongbong Marcos na “Bangon Bayan Muli,” na ipinalabas noong Disyembre 20, ay nakakuha lamang ng 440,000 views sa platform.
Opisyal nang sinimulan ang kampanyahan para sa Eleksyon 2022 noong araw ng Martes, Pebrero 8 hanggang Mayo 7, 2022.
