By Frances Pio
––
Pararangalan ng Philippine National Police si Jeneven Bandiala, ang security guard ng Ateneo de Manila University (AdMU) na napatay habang sinusubukang pigilan ang isang lalaki na namaril sa campus noong Hulyo 24.
Sa pahayag na inilabas nitong Lunes, sinabi ni Maj. Gen. Valeriano de Leon, director for operations ng PNP, na nakikipag-ugnayan ang Civil Security Group sa pamilya ng 35-anyos na guwardiya na gagawaran ng Medalya ng Katangitanging Asal. (PNP Outstanding Conduct Medal).
Walang inilabas na petsa para sa awarding ceremony.
“Security guard Jeneven Bandiala deserves this honor for the heroism he showed in safeguarding students and other individuals on campus and for supporting the PNP in bringing justice by attempting to stop the gunman from escaping,” sinabi ni De Leon.
“This heroic gesture cost him his life, but his bravery will be remembered forever and serve as an inspiration to his fellow security guards. He illustrated what bravery and dedication to one’s vocation truly entail,” dagdag pa niya.
Sinabi ni De Leon na bukod sa parangal, ang pamilya ni Bandiala ay makakatanggap din ng tulong pinansyal mula sa PNP, kabilang ang tulong sa paglipat ng kanyang mga labi sa kanyang bayan sa Lopez Jaena, Misamis Occidental.
Napatay si Bandiala matapos niyang tangkaing pigilan ang gunman na si Chao-Tiao Yumol, na tumakas sa campus matapos nitong pagbabarilin si dating Lamitan City Mayor Rosita Furigay, 58, at ang kanyang aide na si Victor Capistrano, 49 na parehong namatay habang sugatan ang anak ni Furigay na si Hannah Rose Marian, 25, na magtatapos sana sa Ateneo School of Law.