By: Francis Pio

Dahil sa pagkalat ng COVID-19 sa mga kawani ng Philippine Air Lines (PAL) at Cebu Pacific, napilitang magkansela ng mahigit 120 flights sa Laguindingan Airport sa Misamis Oriental at Ozamiz City simula noong bagong taon.

Sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa National Economic Development Authority (NEDA) sa Northern Mindanao, sinabi ng pamunuan ng Laguindingan Airport sa Misamis Oriental na 53 inbound flights at 53 outbound flights ng PAL at Cebu Pacific ang naitalang nakansela mula Enero 1 hanggang Enero 13.

Sinabi ni Mylah Faye Aurora Cariño, direktor ng NEDA para sa Northern Mindanao, na hindi malinaw kung ilang pasahero ang naapektuhan sa resulta ng mga kanseladong biyahe batay sa ulat ng CAAP.

Sa Ozamiz Airport, sinabi ni Cariño, na nasa 14 na incoming at outgoing flights ng Cebu Pacific at PAL Express ang kinansela mula Enero 5 hanggang Enero 13.

Ayon pa kay Cariño, naapektuhan ng kanselasyon ng PAL Express flights ang nasa 31 pasahero sa Ozamiz City. Hindi naman sinabi sa ulat ng CAAP kung ilang pasahero ng Cebu Pacific ang naapektuhan dahil sa pagkansela ng mga biyahe.

Leave a Reply