Share:

Kinundena ni Senadora Grace Poe ang desisyon ng Department of Transportation (DOTr) na ibalik ang operasyon ng mga PMVICs o ng bagong Motor Vehicle Inspection System na nauna nang inulan ng pambabatikos dahil sa mas mahal na singil at hindi maayos na pagpapatupad nito.

Bilang chairman ng Senate committee on public services, nais ni Poe na ipatigil ang operasyon ng mga PMVICs dahil sa mga naunang ulat ng pagkukulang sa pamantayan ng inspeksyon, mga pagkakamali sa mga resulta ng mga pagsusuri sa sasakyan, at dahil sa “lack of transparency” sa proseso ng akreditasyon ng mga PMVICs.

“Sa panahon ng pandemya kung kailan bawat piso ay mahalaga, isang krimen ang pamemera gamit ang polisiya na hitik sa problema,” ani ni Grace Poe sa kaniyang privilige speech sa Senado ngayong araw ng Lunes.

Malinaw na ipinakita ni Poe ang kanyang pagtutol sa mga pagpapatakbo ng PMVICs sa panahon ng pandemyang ito, kung saan maraming mga lugar na may PMVICs ang napunan ng mahahabang pila ng motorista at hindi sinusunod ang minimum health standards.

Inihayag ng senadora na karamihan sa mga rehiyon ay sakop na ngayon ng tinatawag na “Geographic Area of ​​Responsibility” o “GAOR” kung saan mandatory ang pagsusuri ng PMVIC sa halos lahat ng mga rehiyon maliban sa CAR, CARAGA, at BARMMM.

Sinabi rin ni Poe na si Gobernador Migz Villafuerte ng Camarines Sur ay nagpatunay na ang karaniwang emission test ay mas abot-kaya pa rin sa kabila ng katiyakan ng DOTr na ang singil para sa PMVIC test ay binawasan.

“Pinaikot lang tayo pero sa huli ay PMVIC owners pa rin ang panalo at ang mga motorista ang talo,” dagdag ni Poe.

Ayon pa kay Poe, mayroong mga ulat kung saan obligado ang mga motorista na bumili ng mga insurance policies mula sa mga operator ng PMVIC para pumasa sa inspeksyon ang mga sasakyan.

“I call on the DOTr to listen to the people on the ground. Hindi pera kung hindi tao ang dapat nating inuuna,” ani Grace Poe.

Leave a Reply