By Christian Dee
MAYNILA – Sinabi ng Department of Justice sa isang press conference na maaring makasama sa Witness Protection Program (WPP) ang dalawa sa tatlong suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ito ay kasunod ng paglilitis para sa pagsisiyasat laban sa mga suspek sa naturang krimen na sina Joven Javier, 42; Benjie Rodriguez, 45; at Joric Labrador, 50.
Sumailalim na rin ang tatlong salarin sa paglilitis ayon kay DOJ Undersecretary Nicholas Ty at Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Sa Bayawan City, ginanap ang paglilitis para sa mga kasong ilegal pagmamay-ari ng mga baril, habang sa Dumaguete City naman para sa ilang kaso ng pagpatay.
“In line with our efforts to prevent further injustice to the innocent victims and their families and for their protection, 2 witness to the case have already been referred to the witness protection program,” ani Ty sa press conference.
“Moreover, we are working closely with the PNP (Philippine National Police) and the DILG for the transfer of the respondents who are currently detained to the NCR for protective custody,” dagdag pa niya.
Handa naman aniya ang DOJ na hawakan ang naturang kaso para sa karagdagang imbestigasyon.
Sinabi naman ni Abalos na ongoing pa rin ang imbestigasyon sa kaso at inaalam ang lahat ng anggulo.
“Inaalam natin lahat ng anggulo pero ina-assure namin, mahuhuli talaga natin itong mastermind na ito. Importante ‘to,” ani Abalos.
Hindi aniya titigil ang mga awtoridad hanggang makamit ang hustisya, ayon kay Abalos.
Nang tanungin naman ang mga opisyal ukol sa manhunt operation, sinabi ng Kalihim ng DILG na lima ang natukoy nito ngunit ang isa ay namatay matapos makipagbarilan, habang ang isa naman ay wala aniyang kinalaman sa kasong pagpatay kay Degamo.
Tinatayang halos sampung suspek naman, ayon kay Abalos, ang bilang ng mga salarin sa pagpatay na nakita sa closed-circuit television (CCTV), base sa sinabi ng pulis sa press conference na naganap kahapon sa Dumaguete.
