By Christian Dee
MAYNILA – Isang dekada nang magkasintahan sina Ice Seguerra at Liza Diño, base sa kanyang ibinahaging post sa social media nitong Linggo, Marso 5.
Kalakip ng kanilang larawang ibinahagi ng mang-aawit ay ang matamis na pagbabalik-tanaw at mensahe ni nito para sa kanyang partner.
Anang dating child star, Seguerra, sinabi niya sa kanyang sarili, “kapag naging tayo, ito na ‘yun. Ikaw na.”
“Naaalala ko nung madaling araw ng March 4, kabadong sinabi ko sa iyo na gusto kong maging tayo. Kabado dahil hindi ko alam kung pareho ba tayo nang gusto. Kasi baka boy toy lang talaga ang tingin mo sa akin. Kaya sabi ko, hindi mo ako kailangan bigyan nang sagot ngayon, basta ang imporante malaman mo kung anong laman ng puso ko. Tapos ayun, hindi ka nga sumagot,” kuwento ni Seguerra.
“Yung buong March 4, we went on with our day. Tapos saktong alas dose nang madaling araw ng March 5, out of the blue, bigla kang nagsabi ng “yes!” Ako naman ‘tong si tanga, nagtataka kung bakit nag yeyes ka eh wala naman akong natandaang pinaguusapan natin nung moment na yun. Buti na lang pinaalala mo sa akin na yung yes mo ay ang sagot mo sa tinanong ko sa iyo nung madaling araw. Sinakto mo lang pala ng March 5 kasi sabi mo, malas ang #4. Ayaw mong maging yun ang anniv natin,” saad pa nito sa kanyang Instagram post.
Aniya, sampung taon na ang nakalipas nang magdesisyon silang maging magkasintahan.
Para kay Seguerra, ang sampung taon na pagsasama nila ay ang “pinakamasayang dekada” ng kanyang buhay.
“Mahal na mahal kita, Liza. Happy 10th jowanniversary!!!” pagbati ng mang-aawit sa kanyang partner.
