By Christian Dee
MAYNILA – Nabinyagan na ang anak nina Angelica Panganiban at ng kanyang fiancé na si Gregg Homan noong Sabado, Pebrero 4.
Ilang mga artista ang nakitang dumalo sa binyag ni Amila Sabine base sa mga Instagram Stories na ibinahagi ni Panganiban nitong Linggo.
Kabilang sina Judy Ann Santos, mag-asawang John Prats at Isabel Oli, Kim Chiu, Bella Padilla, at marami pang iba.
“Yahoo!!! May inaanak na ako sayo Pets [Angelica Panganiban] Pasensya na at hindi ka muna importante ngayon. Si bean talaga ang nag pa excite sakin. Congratulations @gregg_homan and @iamangelicap. Forever nandito ang Pamilya ko para sa inyo! Love you guys!” caption ni John Prats sa ibinahaging mga larawan sa binyag ni Amila.
Ipinanganak si Amila noong Setyembre 20, 2022, ilang linggo bago mag-propose si Gregg kay Angelica.
Matatandaang nag-positibo sa COVID-19 ang aktres kamakailan lamang bago nito muling makapiling ang kanyang anak at si Homan.
“Medyo ang hirap lang ng sitwasyon kasi hindi ko maalagaan yung bata. Hindi ko mahawakan. Parang torture. Parang mas mahirap pa yun kaysa sa nararamdaman kong sakit,” ani Panganiban sa kanyang huling vlog.
