By Frances Pio

––

Ang hit musical show na Ang Huling El Bimbo ay nakatakdang gumawa ng theatrical comeback ngayong 2023. Ang Newport World Resorts Production Company na Full House Theater ay nag-anunsyo ng balita sa pamamagitan ng Instagram na may casting call para sa mga pangunahing karakter ng palabas.

“Hindi mo na kailangan ang magtago’t mahihiya!” sinulat nila kasama ang mga requirements gaya ng 3 minutong audition video, CV, at half-body photo.

Kasalukuyang naghahanap ang Full House ng mga bata at adult na aktor para kay Hector, Anthony, Emman, at Joy. Naghahanap din sila ng mga talent para sa anak nina Andre at Joy na si Ligaya, kasama ang mga miyembro ng male at female ensemble.

Maaaring ipadala ng mga interesadong artista ang kanilang mga aplikasyon sa aheb2023@gmail.com. Ang deadline para sa pagsusumite ay sa Agosto 20, 2022.

Samantala, kakaunti pa rin ang mga detalye sa pagbabalik ng minamahal na palabas. Ang Huling El Bimbo ay isang kwento ng pag-ibig, pagtanda, at pagkakaibigan sa pamamagitan ng mga nostalgic songs ng Eraserheads.

Ang kanilang pinakahuling performance ay noong Hulyo 5 hanggang Agosto, 2019. Ang palabas ay muling sumikat nang maglabas sila ng libreng pre-recorded performance noong Mayo ng 2020 sa YouTube at Facebook.

Leave a Reply